Home METRO Misis pinatay ni mister, tinangka pang sunugin

Misis pinatay ni mister, tinangka pang sunugin

SAN ISIDRO, Isabela – Puno ng pighati at kalungkutan ang pamilya’t kamag-anak ng isang misis matapos patayin ng sariling mister sa isang bakanteng bahay sa Brgy. Villaflor, San Isidro, Isabela.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Grandeur Tangonan, hepe ng San Isidro Police Station kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang biktima ay kinilalang si Emerita De Guzman, 52 anyos habang ang suspek na kanyang mister ay si Rodolfo De Guzman, 61 anyos na residente sa naturang lugar.

Ayon kay PMaj. Tangonan, isang residente sa isang lugar habang siya’y nagpapakain ng kanyang baboy ay tumambad sa kanya ang masangsang na amoy na nagmumula sa abandonadong bahay at nang kaniya itong tingnan ay nakita ang naagnas nang bangkay ng babae.

Agad ipinaalam ng konsernadong mamamayan sa himpilan ng pulisya kung kayat nagtungo sa lugar ang mga pulis at base sa kanilang pagsisiyasat ay posibleng tatlong araw nang patay ang biktima.

Base sa pag-iimbestiga posibleng nasawi ang babae matapos pukpukin nang matigas na bagay ang kanyang ulo.

Sa patuloy na pagsisiyasat ng pulisya ay kusa naman sumuko sa San Isidro Police Station ang suspek na asawa din nang biktima at inamin ang nagawang krimen.

Plano pa ng suspek na sunugin ang bangkay ng biktima at nasunog na ang mukha nito subalit hindi na nadamay pa ang ibang bahagi ng kanyang katawan.

Away sa pamilya umano ang sinasabi ng suspek na naging dahilan ng kanyang nagawang krimen o pagpatay sa kanyang sariling misis.

Nahaharap sa kasong parricide ang mister na pansamantala nasa kustodiya ng pulisya. Rey Velasco