BATAAN – Arestado ang isang 31-anyos na lalaki matapos umanong i-hostage ang kaniyang hiwalayang asawa sa loob ng bahay ng biktima sa Barangay Bilolo, Orion, Bataan noong Martes ng tanghali, bandang 12:30 p.m.
Ayon kay Police Colonel Marites Salvadora, provincial director ng Bataan PNP, walong buwan nang magkahiwalay ang mag-asawa. Pumunta umano ang suspek sa bahay ng biktima para makipag-ayos, ngunit nang tumanggi ang babae ay doon na niya ito hinostage.
“Itong lalaki dahil sa kagustuhan na maayos ang pamilya at magkabalikan pinuntahan niya sa dati nilang bahay and nakikipagbalikan, eh ayaw na talaga [nung babae] until ah nagresulta na po na hinostage na,” ani Salvadora.
Dagdag pa niya, kutsilyo ang unang ginamit ng suspek ngunit kalaunan ay gumamit din ito ng gunting na iniamba sa leeg ng biktima.
“Kutsilyo yung unang hawak niya… however may nakatago pa pala siyang gunting… yun ulit ang iniamba niya doon sa leeg [ng biktima],” dagdag niya.
Agad na rumesponde ang mga barangay official, kamag-anak, at pulis, ngunit hindi kaagad pinalaya ng suspek ang biktima. Tumagal ng humigit-kumulang isang oras ang negosasyon bago ito tuluyang sumuko at pinalaya ang kaniyang dating asawa. Walang nasaktan sa insidente.
“Pinalabas ko po lahat ng mga nasa loob ng bahay kasi alam po natin baka mas lalo pang makadagdag ng stress yun… Nung una matigas pa rin siya ayaw niya talaga,” ani Salvadora.
Batay sa imbestigasyon, dati nang sinasaktan ng suspek ang biktima kaya iniwan siya nito. May dalawa silang anak na edad tatlo at siyam.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Orion Municipal Police Station at mahaharap sa kasong kidnapping sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act. Mary Ann Sapico