Home NATIONWIDE Dami ng iaangkat na baboy ng Pinas, dinagdagan ni PBBM

Dami ng iaangkat na baboy ng Pinas, dinagdagan ni PBBM

71
0

MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) 116 na nagdaragdag ng minimum access volume (MAV) para sa imported na baboy ng 150,000 metric tons kada taon sa loob ng dalawang taon upang tugunan ang kakulangan sa suplay at patatagin ang presyo sa merkado.

Sa ilalim ng EO 116 na nilagdaan noong Mayo 19, tataas ang MAV ng baboy para sa MAV Year 2026 mula 54,210 metric tons tungong 204,210 metric tons. Isinagawa ang hakbang sa gitna ng patuloy na pagkalat ng African swine fever (ASF) na malaking bumawas sa populasyon ng baboy sa bansa at nagdulot ng pagtaas ng presyo.

Nakasaad sa kautusan ang “substantial supply shortfall and persistently elevated pork price” dahil sa ASF, na nagresulta sa mas mataas na gastos sa pagkain at nakaapekto sa mga mamimili. Layunin ng polisiya na dagdagan ang suplay, pababain ang presyo sa merkado, patatagin ang inflation, at protektahan ang mga konsyumer.

“There is an urgent need to address the existing supply gap in pork, ensure adequate and affordable food for consumers, and mitigate inflationary pressures,” ayon sa kautusan.

Nauna nang inirekomenda ng MAV Management Committee ang pagtaas ng import volume upang matiyak ang sapat at abot-kayang suplay ng baboy at processed meat products.

Inatasan din ang komite na tiyakin ang patas na alokasyon ng imported pork, kung saan 30,000 metric tons ang ilalaan para sa processors at 120,000 metric tons para sa Food Terminal, Inc. o Kadiwa ng Pangulo program. Inatasan din silang bumuo ng implementing guidelines sa loob ng 30 araw.

Magkakabisa ang EO 116 agad matapos mailathala sa Official Gazette o sa pahayagan na may malawak na sirkulasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here