MANILA, Philippines- Arestado ang isang 48-anyos na driver matapos umano nitong ikulong ang kanyang asawa at anak sa isang container truck sa loob ng tatlong araw sa Baseco, Manila.
Ayon sa Manila Police District (MPD), nag-away umano ang mag-asawa dahil sa matagal nang selosan.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang suspek na si Alvin Vizcarra.
Ikinulong umano nito ang kanyang asawa at tatlong taong gulang na anak na babae sa nakaparadang container truck sa Baseco area.
Pinalabas din ng suspek ang kanyang mag-ina at pinauwi sa Bulacan matapos ang tatlong araw kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang ginang na magsumbong sa pulisya.
Sinabi rin ng ginang na bago sila ikandado sa truck ay pisikal din siyang inaabuso ng mister.
Dahil dito, agad na inaresto ang suspek na ngayon ay nahaharap sa dalawang bilang ng serious illegal detention at paglabag sa ilalim ng batas na nagpoprotekta sa mga kababaihan at bata mula sa pang-aabuso. Jocelyn Tabangcura-Domenden