Home METRO Puganteng Japanese nalambat ng BI

Puganteng Japanese nalambat ng BI

MANILA, Philippines- Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isa pang puganteng Japanese national na matagal nang hinahanap ng mga awtoridad sa Tokyo para sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.

Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na si Eiji Shigematsu, 48, ay naaresto noong Peb.7 sa Ayala Avenue, Bel Air Village, Makati City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Viado na inaresto si Shigematsu sa bisa ng mission order na inilabas niya nang makatanggap ng impormasyon mula sa Japanese government na nag-ulat ng kanyang presensya sa Pilipinas.

“We will deport him and he will be blacklisted and banned from reentering the country,” ani Viado.

Nabatid sa BI na si Shigematsu ay inisyuhan ng arrest warrant ng Kajiki summary court sa Japan noong Hulyo ng nakaraang taon matapos siyang kasuhan ng pagnanakaw na paglabag sa Japanese penal code.

Si Shigematsu at ang kanyang mga kasabwat ay inakusahan ng pagpapatakbo ng voice phishing operations na naging biktima ng marami sa kanilang mga kababayan.

Ginawa umano ng mga suspek ang pakana sa pamamagitan ng pagpapanggap na mga pulis upang makahingi ng pera sa mga biktima.

Bagama’t hindi bahagi ng ‘Luffy’ gang, naniniwala ang mga awtoridad na si Shigematsu at ang kanyang mga kasamahan ay nagpapatakbo ng katulad na pamamaraan.

Dinala si Shigematsu sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang mga paglilitis sa deportasyon nito.

Sa pagsuri sa kanyang mga rekord, lumabas na nag-overstay na siya sa huling pagdating niya sa bansa noong Okt. 18, 2019. JR Reyes