MANILA, Philippines – KAAGAD na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng San Jose Municipal Police Station ang isang mister sa kasong parricide sa isinagawang manhunt operation nitong Huwebes, Enero 15 sa Barangay Tugtug, San Jose, Batangas.
Ang nadakip na suspek na nakilala sa alyas Ell, 44, egg vendor, ay pansamantalang naka-hospital arrest sa Cuenca General Hospital dahil sa masamang kondisyon nito sa sakit na diabetes at seizure matapos na ipa-check up ito ng mga awtoridad.
Batay sa report ng San Jose PNP kay PBGen Paul Kenneth T. Lucas Regional Director ng PRO4 Calabarzon, dakong alas-9:30 kagabi sa isinagawang manhunt operation nang pinagsanib na elemento ng San Jose MPS sa pangunguna ni OIC PMaj. Neil Christpher C. Gaspar at Drone Team mula sa Batangas PPO sa pamumuno ni PCapt.Argie M. Gonzales gamit ang drone kung saan natukoy ang pinagtataguan ng suspek at nadakip ito sa loob ng balon sa nasabing barangay.
Kaugnay nito, sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya sa naganap na krimen, dakong alas-5:30 ng hapon habang ang suspek at misis nito na kasalukuyang nasa loob ng kanilang tahanan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa hindi malamang dahilan.
Humantong ito sa pagsaksak ng suspek sa biktima. Nagawa pang makalabas ng biktima para magpasaklolo ngunit nawalan na ito ng malay
Nabatid sa ulat na mabilis na naisugod sa San Jose District Hospital ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival dahil umano sa tinamong saksak sa parte ng katawan ng biktima.
Napag-alaman sa pamamagitan ng CCTV footage na nakalagay sa bahay ng mag-asawa ay natukoy ang suspek kung saan narekober sa pinangyarihan ng insidente ang kitchen knife na mayroon pa umano itong dugo na hinihinalang ginamit ng suspek sa pagpatay nito sa kanyang misis.
Samantalang, sinampahan na ang suspek ng kasong Parracide sa Provincial Prosecutor Office sa Batangas.
“This swift arrest, aided by the use of drone technology, demonstrates our commitment to utilizing all available resources to bring perpetrators of violent crimes to justice. We extend our deepest condolences to the family of the victim and assure them that we will work tirelessly to ensure that justice is served. Dine sa Batangas, walang takas!,” ayon kay PCol Geovanny Emerick A. Sibalo. Ellen Apostol