SAN MATEO, Isabela – Pinaglalamayan na ng kanyang kamag-anak at pamilya ang isang lalaki na biktima ng pamamaril dahil sa agawan umano ng kanta sa videoke sa Brgy. San Marcos, San Mateo, Isabela.
Kinilala ang nasawi na si Roberto Miguel, 48, construction worker at residente ng Barangay San Marcos sa nasabing bayan.
Sa imbestigasyon, nag-iinuman ang biktima at suspek na itinago sa pangalang Harris kasama ang ilan pang indibidwal nang mangyari ang insidente.
Sa kalagitnaan ng pagkanta, ipinasa umano ng biktima ang mikropono sa isang kasama.
Dito na nagalit ang suspek na inakusahang nang-agaw ng kanta ang biktima.
Bumunot ng baril ang suspek saka pinaputukan ng dalawang beses sa likod at dibdib ang biktima.
“Itong suspek, pinagbintangan niya na inagaw ng biktima‘ yung kanyang kanta kahit hindi naman, sabi ng witness.”
Hindi rin mabatid kung anong kanta ang inagaw sa suspek na dahilan ng pagkamatay biktima para barilan ito.
Nadala sa ospital ang biktima, pero idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.
Tumakas naman ang suspek na ngayon ay pinaghahanap ng mga pulis.
Napag-alaman na hindi magkakilala ang biktima at suspek. Nakisali lang din umano sa inuman at nakikanta ang suspek. REY VELASCO