ILOILO CITY- Hindi na nagising pa ang 62-anyos na mister mula sa mahimbing na pagkakatulog matapos hatawin ng dumbbell ang kanyang retiradong guro na misis na may kapansanan sa pag-iisip, iniulat kahapon sa bayan ng Zarraga.
Dead-on-the-spot ang 62-anyos na biktimang hindi pinangalanan na isang inhinyero habang ang 59-anyos na misis nito ay isinuko naman sa pulisya ng kaanak at kapwa residente ng Ilawod Poblacion, Zarraga, Iloilo.
Batay sa report ng Zarraga Municipal Police Station, hapon noong Lunes natutulog sa sofa ang biktima nang bigla na lamang itong hinampas sa ulo ng dumbbell ang suspek .
Sa pagresponde ng mga awtoridad, naabutan na lamang nilang naliligo sa sariling dugo ang biktima at wala na itong buhay.
Ayon sa kapatid, dating guro ang suspek at maaga itong nagretiro sa serbisyo dahil sa sakit sa pag-iisip.
Bago ang krimen, ilang araw nang hindi kumakain ang biktima at posibleng sinumpong ito ng sakit sa pag-iisip.
Kwento naman ng mga kapitbahay ng mag-asawa, labis nilang ikinagulat ang pangyayari dahil nakikita nila ang matamis na pagmamahalan ng mag-asawa kung saan hindi makakain ang isa sa mga ito kapag hindi kumakain ang isa.
Wala namang planong magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa suspek. Mary Anne Sapico