Home NATIONWIDE Mister nagtagumpay sa karamdaman sa tulong ng Malasakit Center

Mister nagtagumpay sa karamdaman sa tulong ng Malasakit Center

ANG mag-amang Danilo at Marilou Enterio na hindi sukat akalaing magbabago ang kanilang buhay dahil sa pagrekober sa sakit ni Mang Danilo sa tulong ng Malasakit Center buhat nang makasabay nila sa eroplano si Senator Bong Go.

MANILA, Philippines – Hindi inaasahan ni Danilo Enterio ng Bunawan, Agusan del Sur na tatagal pa ang kanyang buhay matapos siyang ma-diagnose na may pamamaga sa atay simula noong 2023.

Ayon kay Danilo, hindi sana siya makapagkukuwento ngayon kung hindi nila nakilala ng kanyang anak na si Marilou Enterio dela Cruz, sa eroplano mula Davao City patungong Maynila, si Senator Christopher “Bong” Go, ang ama ng Malasakit Center Program.

Ibinahagi ni Marilou na labis na ang kanilang stress na pangasiwaan ang pangangalaga sa kanyang ama bukod sa lumalaking gastos at paghihirap ng kanyang pamilya.

Habang nasa biyahe sa eroplano, hindi na napigilan ni Marilou ang sarili na lapitan ang senador.

“Nung panahon na ‘yun, March 15, nagkasabayan kami ni Senator Bong Go sa eroplano. At doon nag-usap sila ng aking anak at doon na kami nagkwentuhan pagbaba sa Manila airport,” ang kuwento ni Danilo.

Inilarawan ni Danilo kay Sen. Go ang kanyang karamdaman bilang “acute and alarming”.

“Bigla na lang sumakit ang tiyan ko at nagdumi ng dugo. Ang finding ng doctor ay namaga daw ang atay ko,” kuwento ni Danilo ukol sa kanyang kondisyon na sobrang lala na kaya na-stress ang kanyang pamilya sa bigat ng gastusin.

Umabot na sa halos kalahating milyong piso ang kanyang mga bayarin sa ospital kaya naantig ang puso ni Sen. Go.

Nang makarating ang mag-ama sa Taguig Pateros District Hospital sa Taguig City, kung saan nakabase si Marilou, agad tumulong ang Malasakit Center para mabayaran ang lahat ng medikal na bayarin at pang-araw-araw na gastos ni Mang Danilo.

“Sobrang saya ko dahil tinulungan n’ya ako sa problema ko doon sa Malasakit Center. Dahil kay Senator Bong Go, nalampasan ko ang problema ko,” ani Mang Danilo na lubos ang pasasalamat sa ginawang pagtulong ng senador.

“Nagtatalon ako sa tuwa na ano, hindi ako makapaniwala. Sabi ko, ‘Thank you, Lord. Alam ko, hindi mo ako bibiguin. ‘Yung guard sabi sa akin, magpasalamat kayo doon sa ano ng Malasakit,” ang salaysay naman ni Marilou.

“Sobrang tuwa ko na gusto kong himatayin sa ano na hindi ko ma-explain kung totoo ba ‘yung nakikita ko na siya talaga. Thank you po sa Malasakit, senator,” idinagdag ni Marilou.

Ang Malasakit Centers ay isang one-stop shop tumutulong sa mahihirap na pasyente para mabawasan ang kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamaliit na halaga.

Si Sen. Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.

Sa kasalukuyan, 165 Malasakit Centers na ang operational sa buong bansa at nakahanda ang mga ito na tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente. Iniulat ng DOH na nakapagbigay na ng tulong ang Malasakit Center program sa mahigit kumulang sampung milyong Pilipino.

Ang testimonya ng mag-amang Danilo at Marilou sa pagkamit ng buhay sa tulong na ibinigay ng Malasakit Centers ay nagpapatibay sa pangako ni Sen. Go na mailapit ang maayos na pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng Pilipino.

“Naisalba n’yo po ang tatay ko na nadugtungan din ‘yung buhay niya. Thank you, thank you po, Senator Bong Go. I love you so much po,” sabi ni Marilou sa tunay na malasakit na ginawa ng senador. RNT