CORDON, Isabela – Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang mister habang nasa kritikal na kondisyon ang misis sa tinamong sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan matapos maipit sa karambola ng mga sasakyan ang minamaneho nilang kulong-kolong sa national highway na bahagi ng Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.
Kinilala ang nasawi ng driver ng kulong-kolong na si Benie Garcia, 46 anyos, at residente ng Villamiemban, Cordon, Isabela habang sugatan ang kanyang angkas misis na si Marites Garcia, 44 anyos na kapwa residente sa nasabing lugar.
Pare-parehong papunta sa bayan ng Diadi ang kulong-kolong, Hi Ace Van at L300 kung saan magkakasunod ang tatlo habang ang truck naman ay patungo sa sentro ng Cordon, Isabela.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay sinubukan umanong i-overtake ng van ang kolong-kolong subalit nang mapansin ng driver na paparating ang truck ay sinubukan umano niyang bumalik sa kanyang dating linya.
Subalit pagbalik umano ng van ay nahagip ang kolong-kolong dahilan kaya’t muling nalipat ang van sa kabilang linya at nasalpok ang paparating na truck at nadamay din ang sumusunod na L300.
Sa lakas nang pagbangga ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang sakay ng kolong-kolong at sinubukan pa silang itakbo sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer subalit idineklara nang dead on arrival ang driver ng kolong-kolong habang patuloy namang inoobserbahan ang kanyang angkas.
Pansamantala nasa kustodiya ng himpilan ng pulisya ang iba pang mga sangkot na driver habang patuloy na ang inimbestigasyon sa naturang aksidente. Rey Velasco