Home METRO Lalaking sakay ng ninakaw nitong bisikleta, patay

Lalaking sakay ng ninakaw nitong bisikleta, patay

PATAY ang isang lalaking nagnakaw umano ng bisikleta nang mabundol ng motorsiklo habang tumatakas sa mga humahabol na barangay tanod sa Caloocan City.

Sa ulat na nakarating kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nabisto ng mga tanod ang ginawa umanong pagnanakaw ng bisikleta ng lalaking si alyas “Mac-Mac” dakong alas-9 ng gabi pero nang aarestuhin, kumaripas ito ng takbo patawid ng EDSA.

Sakto namang mabilis na tumatahak sa naturang lansangan ang rider kaya’t huli na bago pa niya naiwasan ang pagtawid ni ‘Mac-Mac’ at nabundol niya ito.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon si ‘Mac-Mac’ na nagresulta sa kanyang kamatayan habang sumadsad naman ang rider na kaagad naisugod sa pinakamalapit na pagamutan sanhi ng tinamong mga galos at pasa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Col. Lacuesta, nagkasundo na kalaunan ang magkabilang panig na dahilan upang hindi na maghain ng kaso ang pamilya ng nasawi laban sa rider. Merly Duero