
IBA talaga ang maraming politiko kung mag-isip.
Ang magagandang pangako, huwag silang asahan na tutupad.
Kung may matupad man, kalahati lang o patikim lang.
Pero karaniwang hindi natutupad at maraming palusot ang mga ito.
Isang halimbawa ang isang kongresman na kakilala ko.
Nagpatayo siya ng district office sa isang bayan.
At doon niya mini-meet and greet ang mga tao.
‘Di baleng kakaunti ang proyekto ni kongresman basta natutupad niya ang pangakong madali siyang lapitan.
Parang naubusan na siya nang maisip na gawin dahil nagawa na ng mga napalitan niya ang mga dapat na gawin?
Noong nakaraang halalan, nagtaka ako na napakaraming traysikel at puno ng mga pasahero ang mga ito sa pagpunta kay kongresman.
Nanalo siya noon.
Kwento ng mga nagpunta sa kanya, namigay siya ng ayuda bago maghalalan at tinupad lang niya umano ang pangako na bubuuin niya ang ayuda ‘pag nanalo siya.
Pagkatapos siyang maproklama, hayun dinumog nga siya ng mga pinangakuan niya at nakangiti naman ang mga nagsiuwi, kahit walang makitang bitbit ang mga ito.
Anong klaseng ayuda kaya ang ibinigay ni kongresman?
Ngayon, kumakandidato ulit siya.
At napakaraming botante ang bumibisita sa kanya na may dalang reseta ng doktor at iba pa at humihingi ng ayuda.
Walang umuwing luhaan.
At may mga kandidatong senador din na pumunta sa kanya.
Ano rin kaya meron dito?
Tiningnan ko ang kanyang pangalan sa impeachment, isa pala siya sa mga pumirma.
Ano kaya meron doon, eh, halos wala naman siyang proyekto?
May mga sabi-sabi na ang mga pumirma sa impeachment ay nagkaroon o nagkaroon ng ayuda.
Pero nakasiper naman ang bibig ng mga pumirma ukol dito.
“Fake news” ba?
Mabuti pa si kongresman, totoong namimigay ng ayuda.
Basta misteryoso ang ayuda at sa maraming pagkakataon, ito ang nagpapanalo sa mga politiko at hindi ang mga pangako o proyekto
Susmariosep!