MANILA, Philippines – Arestado ang di-umano’y isang miyembro ng Basag-Kotse gang matapos siyang makilala sa kuha ng CCTV footage nitong nakaraang Miyerkules ng hapon (Nobyembre 1) sa Taguig City.
Ayon kay Taguig City police Sub-Station 4 commander P/Capt. Jefferson Sinfuego, ipinark ng biktima ang kanyang kulay silver na sedan sa Dahlia Street, Barangay Ususan upang bisitahin ang kanyang namayapang mahal sa buhay sa kalapit na sementeryo.
Makaraan ang tatlong oras ay bumalik na ito sa kanyang sasakyan nang madiskubre nito na basag ang salamin ng bintana nito at nawawala na ang kanyang laptop at backpack na kanyang iniwan sa loob ng sasakyan.
Nagsagawa ang mga tauhan ng Sub-Station 4 ng backtracking sa nakalap na CCTV footage kung saan nakilala ang suspect na taga Pateros.
Nang gabi rin na yun ay tinungo ng mga operatiba ang bahay na kinaroroonan ng suspect at sinubukan pa di-umano nito na magtago sa loob ng CR sa ikalawang palapag ng kanyang bahay kung saan siya nakorner at naaresto.
Agad na naibalik sa biktima ang kanyang laptop at backpack na tinangay ng suspect.
Sa Sub-Station 4 ay umamin naman ang suspect sa kanyang pagkakamali at nagsabing nagawa lamang niya iyon dahil sa kanyang gutom at kawalan ng trabaho.
Humingi na rin ng tawad ang suspect sa biktima at nangatuwiran din na may sakit sa puso ang kanyang asawa.
Hindi naman naantig sa pagmamakaawa ang biktima sa suspect na nahaharap sa kasong robbery at kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Taguig City police. (James I. Catapusan)