Home NATIONWIDE Miyembro ng criminal group arestado sa Las Piñas

Miyembro ng criminal group arestado sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Isang miyembro ng notoryus na criminal group ang inaresto sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Las Piñas City police Warrant and Supoena Section (WSS) at ng Station Intelligence Section (SIS) nitong nakaraang Miyerkules, Marso 5.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang nadakip na suspect na si alyas Ronron, 20, tinaguriang top 8 most wanted person ng district level.

Base sa report ni Tafalla, inaresto si alyas Ronron nitong Miyerkules sa Barangay Talon 5, Las Piñas City.

Ang pagdakip sa suspect ay naisakatuparan sa bisa ng isinilbing warrant of arrest ng WSS at SIS na inisyu nitong Pebrero 7, 2025 ni Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Judge Pia Cristina Bersamin Embuscado ng Branch 198 na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa sa halagang P100,000.

Ayon kay Tafalla, si alyas ROnron ay miyembro ng kilabot na VAJA criminal group na sangkot sa iligal na operasyon ng robbery at carnapping sa Las Piñas at mga kalapit na lungsod kung saan target ng naturang grupo na biktimahin ang mga indibidwal na nagmamay-ari ng mga mahahalagang gamit particular ang motorsiklo.

Sinabi pa ni Tafalla na ang modus ng grupo ay kanila munang isu-surveillance ang lugar upang madetermina ang pinakamagandang oras at pinakamagandang Sistema ng pag-atake sa kanilang bibiktimahin na kalimitan ay ang mga nakaparadang motorsiklo sa parking lots at residential areas.

Matatandaan na naunang inaresto ang lider ng grupo na si alyas Rodney noong Nobyembre 18, 2024 dahil sa kasong robbery.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police custodial facility ang suspect habang naghihintay ng commitment order ng korte na mag-uutos para sa paglipat nito sa Las Piñas City jail. (James I. Catapusan)