Home METRO Miyembro ng drug syndicate tiklo sa Taguig

Miyembro ng drug syndicate tiklo sa Taguig

MANILA, Philippines- Sa ikinasang anti-criminality operation ng mga operatiba ng Taguig City police ay nadakip ang isang miyembro ng kilabot na Tinga drug syndicate nitong nakaraang Miyerkules (Abril 16), ayon sa pulisya.

Kinilala ni Taguig City police chief P/Col. Joey Goforth ang nadakip na suspect na si alyas Migue, residente ng Taguig City.

Base sa report na isinumite ni Goforth kay Southern Police District (SPD) acting director PBGen Joseph Arguelles, naganap ang pag-aresto sa suspek sa isinagawang anit-criminality operation sa N.P. Cruz Street, Barangay Ususan, Taguig City.

Nakumpiska sa posesyon ni alyas Migue ang ang isang kulay puting disposable vape cartridge na hinihinalang naglalaman ng marijuana o cannabis oil na nagkakahalaga ng P4,500.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa pagsusuri habang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Taguig City police kung saan nahaharap ito sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Si alyas Migue ang pang-apat na miyembro ng sindikato na nadakip ng pulisya kung saan nauna nang inaresto sina alyas Joel, alyas Elisa, alyas Patrick Ace at alyas Bernardo, na may mga apelyidong Tinga, na sangkot sa ilang high-profile na kaso ng illegal na droga sa Taguig.

Unang inaresto si alyas Elisa noong Pebrero 2017 kung saan nahatulan ito ng korte ng habambuhay na pagkabilanggo habang si alyas Patrick Ace ay nadakip sa isang buy-bust operation noong 2020 na nakumpiskahan ng P20 milyong halaga ng shabu.
Si alyas Bernardo naman ay nasakote noong 2023 kung saan nakuhanan ito ng baril at P95,000 halaga ng shabu samantalang si alyas Joel ay nadakip sa buy-bust operation sa Barangay Lower Bicutan, Taguig noong Hunyo 18, 2024 at nakuhanan ng walong sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P360,000. James I. Catapusan