CAUAYAN CITY, Isabela – Arestado ang isang miyembro ng Dawla Islamiya na High Value Target (HVT) matapos isagawa ang intelligence-driven operation ng pinagsanib na pwersa ng kapulisan sa Statio,Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad ni PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO bilang pagtugon ni PLtCol. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station ay naaresto ang akusado bilang si alyas “Christopher,” na gumagamit din ng mga alyas na “Mao Palman,” “Mao,” at “Alvin Ampaso,” 42 anyos at residente ng Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Tinaguriang Top 3 Most Wanted Person sa Bacolod City at Top 8 Most Wanted Person sa Lanao del Norte sa kasong pagpatay o murder dahilan upang ilunsad ang mas pinaigting na manhunt operations laban sa kanya sa iba’t ibang rehiyon.
Sa bisa ng Mandamiento De Aresto na inilabas noong Abril 6, 2026 ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 6, Iligan City, Lanao del Norte, kaugnay ng kasong Murder na walang inirekomendang piyansa na patunay sa bigat ng kasong kanyang kinakaharap.
Napag-alaman ang akusado ay nauugnay sa isang grupong nasangkot sa mga insidente ng karahasan at banta sa pambansang seguridad.
Ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan ng Cauayan City Police station katuwang ang Bacolod MPS, Lanao del Norte PPO, RID 10, IRIU2; PIT Isabela East; RID2; PIU-IPPO; 205th MC RMFB2; RMU2; 2nd IPMFC; at 111 Special Action Force, 11 SAB isang malawak na inter-unit coordination na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto.
Ayon kay PCol. Bringas, ang pagkakaaresto sa isang high-value target na nasa listahan ng Most Wanted Persons na may ugnayan sa Maute Group ay patunay ng matibay na koordinasyon at pinaigting na operasyon ng kapulisan. Hindi kami titigil sa pagtugis sa mga kriminal at sa paghahatid ng hustisya.
Kaugnay nito, hinihikayat ang publiko na makiisa upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa ating komunidad.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon bago ipasakamay sa korteng pinagmulan. REY VELASCO