Home METRO Miyembro ng MNLF unang aplikante ng amnestiya sa BARMM

Miyembro ng MNLF unang aplikante ng amnestiya sa BARMM

COTABATO CITY- Isang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang unang aplikante para sa amnestiya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), noong Biyernes sa lungsod na ito.

Ayon sa Office of the Presidential Assistant for Peace, Reconciliation and Unity (Opapru), ang aplikante ay may kasong illegal possession of firearms at ammunition sa korte.

Naging kinatawan ng aplikante ang kanyang anak na babae sa paghahain ng aplikasyon ng amnesty sa Local Amnesty Board (LAB) dito.

“Noong nalaman namin sa balita na may amnesty, gumaan ang pakiramdam namin dahil bilang miyembro ng MNLF, pwedeng makakuha ng tatay ko sa ganitong programa ng gobyerno,” anang anak.

Sinabi niya na ang kanyang ama ay nakapagpiyansa na at hindi maaaring personal na humarap sa LAB dahil sa kanyang kondisyon sa kalusugan.

“Pero umaasa kami na hindi na ma-convict ang tatay ko dahil sa kalayaan na ibinigay ng amnesty sa kanya,” dagdag pa nito.

Ang mga miyembro ng MNLF at ang Moro Islamic Liberation Front na gustong mag-avail ng amnesty program ng gobyerno ay maaaring mag-apply sa LAB ng National Amnesty Commission sa lungsod.

Ayon sa Opapru, maaari ring makipag-ugnayan sa LAB ang mga potensyal na aplikante sa pamamagitan ng mga numerong 09660423621 at 09622886714 kung gusto nila ng karagdagang impormasyon.

Layunin ng amnesty program na bigyan ng panibagong simula ang mga miyembro ng mga rebeldeng grupo na nakagawa ng mga pagkakasala na maparurusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at mga espesyal na penal na batas, at iba pa, sa pagsusulong ng kanilang politikal na paniniwala.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layon ng nasabing programa na makatulong tungo sa kapayapaan at pagkakasundo. Mary Anne Sapico