Home METRO 6 barangay officials sinuspinde sa imahe ng baril sa tarpaulin

6 barangay officials sinuspinde sa imahe ng baril sa tarpaulin

BANGUED, Abra- Suspendido ang anim na opisyal ng barangay dahil sa kontrobersyal na larawan ng baril bilang parusa sa sinumang magtatapon ng basura noong Lunes sa bayang ito.

Inaprubahan ni Bangued Mayor Mila Valera noong Mayo 6 ang rekomendasyon ng municipal council at ipinag-utos na suspendihin ng 90 araw ang mga opisyal ng barangay Calaba.

Ang nasabing suspensyon ay may kinalaman sa abiso sa isang tarpaulin na nagsasaad ng multang P1,000 para sa unang paglabag, ang pangalawang paglabag ay multa rin na P1,000 at walong oras na serbisyo sa komunidad, at walang tiyak na parusa para sa ikatlong paglabag maliban sa isang imahe ng isang baril.

Nagsampa ng reklamo ang mga concerned citizen laban sa mga opisyal ng barangay, na itinuturo na ang imahe ng baril ay nagpapahiwatig ng pagpatay at banta sa buhay ng isang tao.

Inirekomenda ng municipal council na ilagay ang mga opisyal ng barangay na ito – ang chairperson, apat na miyembro ng council, at Sangguniang Kabataan (SK) chairperson – sa ilalim ng preventive suspension habang naghihintay ng imbestigasyon sa mga kasong administratibong isinampa laban sa kanila.

Nilinaw naman ni Eric Astudillo, secretary ng municipal council, na ang preventive suspension ay hindi isang parusa kundi isang paraan ng pagpigil sa mga suspendidong barangay officials – mga respondent sa reklamo – na maimpluwensyahan ang mga posibleng testigo at mapangalagaan ang integridad ng mga dokumento o ebidensya habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon.

Nahaharap ngayon sa mga kasong grave misconduct, grave abuse of authority, gross neglect of duty, gross dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service ang anim na opisyal ng barangay. Mary Anne Sapico