Home METRO ‘Car-free Sundays’ muling aarangkada sa Maynila

‘Car-free Sundays’ muling aarangkada sa Maynila

MANILA, Philippines- Bilang bahagi ng pagsisimula ng “Move Manila Car Free Sundays By The Bay” na ipatutupad ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Mayo 26, 2024, nagsagawa ng inspeksyon si Manila Mayor Honey Lacuna sa Roxas Boulevard at mga katabing lugar ngayong Linggo Mayo 12.

“Our car-free Sundays will be different from others like it because our venue is Roxas Boulevard, the most beautiful and historice boulevard in the country. We inspected Roxas Blvd to ensure the road will be safe for all,” ani Mayor Lacuna.

Ayon kay Lacuna, pipirmahan nito ang Ordinance No. 9047 na nagpapatibay sa programang Move Manila at itatalaga ang kahabaan ng Roxas Boulevard mula Padre Burgos Circle hanggang Quirino Avenue bilang “car free zone” kung saan ang mga Manileño at iba pa ay maaaring mag-ehersisyo mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga sa pamamagitan ng paglalakad, jogging, pagtakbo, roller skating, at pagbibisikleta.

Kasama ng alkalde sa isinagawang inspeksyon ang kanyang kapatid at konsehal na si Philip Lacuna, may-akda ng Ordinance No. 9047, at mga opisyal ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila City Health Office, at iba pang departamento ng city hall.

“The Move Manila program is designated to advance the city’s goal of becoming a liveable city where health lifestyles and environmental preservation are ingrained habits,” ayon pa kay Mayor Honey na isa ring medical doctor.

Sinabi ni Lacuna na maglalabas ang MTPB ng traffic advisories tungkol sa Move Manila at mga gabay sa lokasyon ng water stations, parking area, at first aid stations. JAY Reyes