Home NATIONWIDE Miyembro ng organized crime group, patay sa engkwentro

Miyembro ng organized crime group, patay sa engkwentro

MAGUINDANAO DEL NORTE- PATAY ang isang miyembro ng notoryus na Organized Crime Group sa isinagawang joint law enforcement support operation ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group – BARMM at Marine Battalion Landing Team-2 (MBLT-2), kahapon ng umaga, Mayo 5 sa bayan ng Barira.

Kinilala ang nasawi na si Kamlon Manardas Ragundo, 34-anyos, kasapi ng Ragundo crime na may kaugnayan din sa ‘Alpha King’ ng teroristang Dawlah Islamiya – Hassan Group,” at residente ng Sitio Dulayap, Barangay Panggao, ng nasabing bayan.

Ayon kay Lt. Col. John A. Dela Cruz, Commanding Officer ng Marine Battalion Landing Team-2 (MBLT-2), bandang 5:00 AM nitong Lunes Mayo 5, 2025, sinalakay ang grupo sa nasabing lugar bitbit ang warrant of arrest laban kay Porok Marandacan Ragundo, alyas “Rokkie”, at pito pang kasama tungkol mga kasong kriminal na kinakaharap.

Pagdating sa nasabing lugar, nakatunog ang mga suspek at sinalubong ng putok ng baril ang mga awtoridad at hinagisan ng granada.

Gumanti ng putok ang tropa ng pamahalaan at tinamaan si Kamlon habang mabilis na tumakas ang mga kasamahan nito

Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang M16A1 rifle, mga magasin, dalawang granada, mga bala at bangkay ni Kamlon.

Sinabi naman ni Brig. Gen. Romulo Quemado II, Commander ng 1st Marine Brigade, ang grupo ni Ragundo ay sangkot sa gun-for-hire, robbery with violence, at illegal na droga.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang manhut operation ng pulisya at militar laban sa mga nakatakas na grupo ni Kamlon. Mary Anne Sapico