MANILA, Philippines – Sugatan ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos na mabangga ng sasakyang hinarang niya dahil sa pagpasok sa EDSA Busway sa Quezon City noong Linggo ng umaga.
Kinilala ang biktimang si traffic auxiliary Jefferson Villaruel habang inamin naman ng suspek na kinilalang si Mark Anthony Bagtas na nakainom siya ng alak habang nagmamaneho.
Base kay Villaruel, nakasakay siya sa kanyang motorsiklo nang mangyari ang insidente bago mag alas-5 ng umaga ng Linggo, Enero 7, sa southbound lane ng EDSA.
Kwento niya na namataan niya ang puting Honda City na papasok sa busway sa Cubao area na ipinagbabawal para sa mga pribadong sasakyan.
Sinabi ni Villaruel na sinundan niya ang sasakyan at sinensyasan ito na lumabas ng busway.
Sumunod naman umano si Bagtas pero sinubukang pumasok muli sa busway, na nagtulak sa MMDA enforcer na pumosisyon sa harap ng sasakyan para mapigilan ito.
Gayunman, nabangga ng Honda ang motorsiklo malapit sa Main Avenue EDSA Carousel.
Tumilapon si Villaruel mula sa kanyang motorsiklo at bumangga sa ilang traffic barriers at sa concrete center island.
Sasailalim si Villaruel sa medical examination habang ihahanda ang mga reklamo laban kay Bagtas. RNT