Home METRO MMDA: Number coding ‘di suspendido sa transport strike

MMDA: Number coding ‘di suspendido sa transport strike

MANILA, Philippines- Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Linggo na hindi nito sususpendihin ang expanded number coding scheme ngayong Lunes, Abril 15, sa pagsisimula ng kilos-protesta ng transport groups.

“Hindi sususpindehin ang number coding scheme bukas, araw ng Lunes, sa gitna ng tigil pasada na ikakasa ng dalawang transport group na Manibela at Piston,” abiso ng MMDA na naka-post sa X.

“Ibig sabihin, tuloy ang pagpapatupad ng number coding scheme mula 7am-10am at 5pm-8pm at bawal bumiyahe sa nasabing mga oras ang mga may plakang nagtatapos sa 1 at 2 na sakop ng coding tuwing Lunes,” dagdag nito.

Inanunsyo ng Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon or MANIBELA at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) nitong Huwebes na magsasagawa sila ng nationwide transport strike ngayong Abril 15 hanggang 16 sa gitna ng nalalapit na deadline para sa konsolidasyon ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators. 

Sa isang press briefing, sinabi ni MANIBELA president Mar Valbuena na inaasahan nilang lalahok sa kilos-protesta ang halos 30,000 jeepney drivers sa National Capital Region at halos 100,000 iba pa mula sa ibang parte ng bansa.

Tinututulan ng mga grupo ang PUV consolidation ng mga indibidwal na prangkisa sa kooperatiba o korporasyon, na rekisitos sa ilalim ng PUV modernization program. Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na magkakaroon ng extension ang April 30 deadline para sa konsolidasyon.

Subalit, sinabi ng Magnificent 7, grupo ng pitong transport groups, na hindi sila makikilahok sa two-day strike.

“Nakahanda naman ang MMDA, kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa NCR, para magbigay ng libreng sakay sa mga maapektuhang pasahero sakaling kailanganin,” pagtitiyak ng MMDA. RNT/SA