Home METRO Transport strike ng PISTON, MANIBELA aarangkada na

Transport strike ng PISTON, MANIBELA aarangkada na

MANILA, Philippines- Isasagawa ng transport groups PISTON at MANIBELA ang kilos-protesta nito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Quezon City at Mendiola sa Manila sa unang araw ng two-day transport strike ngayong Lunes, Abril 15.

Sa isang panayam nitong Linggo, ibinahagi ni Mody Floranda, Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) national president ang detalye ng kanilang transport strike na aarangkada ngayong Lunes.

Ani Floranda, nagkasundo ang PISTON at ang Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon o Manibela na magtipon sa kahabaan ng U.P. Avenue sa Diliman, Quezon City sa umaga. Mula roon, magtutungo ang mga grupo sa main office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue dakong ala-1 ng hapon.

Aniya, mararamdaman ang pagkaantala sa transportasyon ng alas-9 ng umaga.

Tutulak naman ang mga grupo sa Mendiola sa Manila kung saan inaasahang darating sila ng alas-3 hanggang alas-4 ng hapon.

Iginiit ng PISTON president na hindi sila kontra sa modernisasyon ng PUVs subalit tutol umano sa ilang regulasyon ng PUV Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan na saklaw ang mga prangkisa, pagmamay-ari ng mga bagong sasakyan, mga kompanya kung saan umano bibili ng mga nasabing sasakyan at istruktura ng kooperatiba kung saan sila rekisitos na sumali upang patuloy na makabiyahe.

“Ang isang pinaka-ano niyan, sinasabi nila pag-aaralan nila, ngayon pa lang lumalabas ‘yung pagpayag nila sa local (manufacturers of jeepney)…ang isang malaking problema, wala naman silang inilalabas na Executive Order na Philippine Standard Compliance,” pahayag ni Floranda.

“Sa atin ay malinaw ‘yung ating posisyon na mas dapat ‘yung mga local (manufacturers) ang suportahan ng gobyerno,” dagdag niya.

“Ang PISTON bukas sa usapin ng kooperatiba. Sabi nga natin sa Department of Transportation (DOTr) at saka sa LTFRB, dapat kung…kooperatiba, nakapangalan pa rin sa operator ‘yung kanilang unit at prangkisa pero nasa loob ka ng kooperatiba.”

Samantala, sinabi ni Police Major General Jose Melencio Nartatez, Jr., National Capital Region Police Office (NCRPO) director na magtatalaga ng 7,000 pulis upang tugunan ang pagkaantalang maaaring idulot ng transport strike.

“Mayroon tayong enough na puwersa para maghanda dito sa tigil-pasada,” anang opisyal.

Hiniling ng pinuno ng NCRPO sa PISTON at MANIBELA na gawing mapayapa at maayos ang kilos-protesta. Inihirit din niya na huwag mang-harass ng mga PUV na hindi makikilahok sa welga. RNT/SA