MANILA, Philippines — Pinag-iisipan ng Bureau of Immigration (BI) na ipagbawal ang paggamit ng mobile phones sa kanilang holding facilities sa Taguig at Muntinlupa, at palitan ito ng landlines at video call booths, kasunod ng ulat ng smuggling ng mga cellphone.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, “Kapag may pang-aabuso, agad-agad dapat kumilos.”
Idinagdag niya na kakasuhan ang sinumang tauhan na mapatutunayang sangkot sa pagpasok ng mga bawal na kagamitan sa pasilidad.
Nagsagawa ng mga raid sa parehong pasilidad noong Biyernes, matapos lumabas ang pahayag ng deported Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na nagkaroon umano ng access sa cellphone habang nasa detention.
Bagaman nangyari ang insidente noong Hunyo o Hulyo ng nakaraang taon, iginiit ni Viado na kinakailangan ang mass raids batay sa bagong impormasyon.
Kasama sa operasyon ang BI intelligence division, National Capital Region Police Office, at Bureau of Corrections.
Lahat ng kuwarto at iba pang lugar ay siniyasat at sinuri sa kontrabando tulad ng cash, gadgets, cellphone, sigarilyo, e-cigarette, kutsilyo, at gambling paraphernalia.
Nabatid na ang kasama ni Zdorovetskiy na si Malik Dejoun Okojie ay sangkot sa pagpasok ng mobile phones sa tulong ng kaniyang asawang Filipina.
Tatlong tauhan na sangkot sa smuggling ay natanggal na sa serbisyo, kabilang ang isang contractual agent, habang isa officer at isang staff ay nakabinbin pa ang imbestigasyon.
“Hindi namin papayagan ang kapabayaan o katiwalian. Ang sinumang magkulang sa tungkulin ay haharap sa pinakamalupit na parusa,” aniya.
Paalala ng BI, ang kanilang detention facility ay pansamantalang holding area lamang para sa mga dayuhang haharap sa deportation, at mahigpit ang regulasyon sa paggamit ng gadgets. RNT/JGC