Home METRO Modelo arestado sa tangkang paggahasa sa ‘It’s Showtime’ host

Modelo arestado sa tangkang paggahasa sa ‘It’s Showtime’ host

MANILA, Philippines- Naaresto ng mga awtoridad ang isang 25-anyos na modelo matapos umano ang tangkang sexual assault sa “It’s Showtime” mainstay, ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Biyernes.

Ayon sa mga pulis, dinala ng biktima ang labahin nito sa kanyang sasakyan nitong Huwebes ng gabi. Habang hinihintay ang elevator pabalik sa kanyang unit, napansin umano nitong nakaupo ang suspek sa lobby at naghihintay din ng elevator.

Kapwa pumasok ang dalawa sa elevator at sinundan ng suspek ang biktima patungo sa unit ng huli.

Nang makapasok na sa unit, nakarinig ng katok ang biktima. Pagsilip niya ay nakita niya ang suspek sa labas ng pintuan.

Nang bahagyang buksan ng biktima ang pinto, tinanong umano ng suspek ang Facebook account ng biktima, at sinabing maganda ito. Bigla na lamang umanong hinawakan ng suspek ang biktima sa bewang saka tinangkang halikan.

Itinulak ng biktima ang suspek at humingi ng saklolo sa security guard, na siyang umaresto sa suspek. Dinala ang suspek sa Kamuning Police Station para sa imbestigasyon.

Ikinakasa na ang reklamo laban sa suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office, ayon sa mga pulis.

Hiniling naman ng ama ng biktima sa publiko na ipanalangin ang kanyang anak, “as she is under trauma of the said incident,” aniya sa isang Facebook post. 

“Magdoble ingat tayo sa lahat ng oras at ireport agad ang ganitong mga pangyayari. Tinitiyak ng QCPD sa biktima na pagbabayaran ng suspek ang kanyang ginawa dahil walang puwang dito sa ating lungsod ang mga ganitong klaseng tao,” payo naman ni QCPD director Police Brigadier General Redrico Maranan sa publiko. RNT/SA