MANILA, Philippines – Nagkakaroon ng sabwatan ang ilang opisyal ng National Food Authority (NFA) sa pagdedeklarang “not fit for human consumption” ang good rice upang maibenta nang palugi sa private trader.
Ibinulgar ito ng isang senador sa isang privilege speech hinggil sa natuklasang bentahan ng 150,000 sako ng “good rice” sa private trader sa halagang mas mababa kaya nalugi ang pamahalaan.
Ayon kay Senador Raffy Tulfo, ilang opisyal na nasa likod ng kuwestiyonableng bentayan ng rice stocks ng NFA sa ilang traders ang nagmamando sa quality assurance officer ng ahensiya na ideklara ang good inventory bilang bad condition upang maibaba ang presyo.
Sinabi ni Tulfo na nakakadismaya kung paano naibenta ang 150,000 sako ng good rice na ginawang bad rice para hindi pagbigyan ang kahilingan ng local government unit (LGU).
Tinukoy sa privilege speech si NFA administrator Roderico Bioco at ilang sales officials na sangkot sa malawakang iregularidad.
Sa ilalim ng pamamaraan, bibili ang NFA ang unmilled rice or palay sa halagang P24 kada kilo at magbibigay pa ng P2 kada kilo bilang subsidy mula sa Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units (PALLGU) sa pagbili ng bigas sa NFA.
“So nakukuha po ng NFA ang palay sa halagang P26. Tapos ito po ay ipagigiling nila and they will pay it in kind or with rice mill by-products,” ayon kay Tulfo.
Kasunod nito, maghahana ang NFA Office administrator ng stock na maaaring ibenta. Aniya, pagsasabihan ang sale offices na tukuyin ang stocks at magbigay ng instructions sa quality assurance officer na magpalabas ng laboratory analysis report upang maideklara ang satisfactory stocks na hindi na maaaring kainin o hindi na good condition.
Kaya’t inatasan ng NFA official ang NFA sales officers na makipagnegosasyon sa pagbebenta ng bigas sa private millers.
“At pag nagkasarahan na, they will issue rice sales to the millers gamit ang mga lab report na nagsasabing not fit for human consumption upang mapababa ang presyo ng mga ito,” ayon kay Tulfo.
Binanggit din ng senador kung paano nabigo ang lalawigan ng Isabela sa hinihiling nitong bumili ng 10,000 sako ng bigas pero tanging 3,000 lamang ang naibigay ng ahensiya.
“Grabe na ang garapalan sa NFA. Imagine, nagbenta ng 150,000 bags of good rice tapos yung mga nangangailangan na ahensya tinitipid nila. Ito po ang ginawa nila sa probinsya ng Isabela,” ayon kay Tulfo.
Aniya, si Governor Rodolfo Albano ang nagbigay sa kanya ng inpormasyon hinggil sa kanilang kahilingan sa NFA na bumili ng 10,000 bags ng bigas para sa kanilang mamamayan pero 3,000 alng naibigay.
“Napra-prioritize ay itong mga private traders. This is contrary to to the PALLGU program where LGUs even subsidize itong pagbili ng NFA ng palay sa mga farmers,” giit ni Tulfo.
“Ang mga LGU, under the PALLGU program, are qualified to participate as buyers of NFA rice. It’s supposed to enable palay farmers to maximize their income and at the same time assist Legislators and Local Government Units in sourcing their rice requirements intended for their constituents,” dagdag ng senador.
Nakatakdang kuwestiyunin ni Tulfo ang NFA officials na sangkot sa bentahan ng buffer stock ng bigas sa isasagawang imbestigasyon ng Senado.
Naunang sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang 139 NFA officials at empleadyo nito upang matiyak na hindi mawawalan ang lahat ng kainakailangang dokumento at ebidensiya sa naturang anomaly. Ernie Reyes