Manila, Philippines- Si Mon Confiado pala ang gumaganap sa karakter ng yumaong talent manager ng yumaong si Pepsi Paloma na si Rey dela Cruz, sa pelikulang Pepsi.
Kaya naman hindi pinalampas ng mga press na dumalo sa media conference ng pelikulang Lilim ng Viva Films ang mga tanong kay Mon tungkol sa pelikulang Pepsi, na hanggang sa ngayon ay wala pang katiyakan kung maipalalabas sa mga sinehan.
Sa March na dapat ang playdate ng Pepsi subali’t may restraining order pa ito sa korte dahil sa isinampang kasong cyber libel ni Vic Sotto laban kay Direk Daryll Yap, sa pagkakaugnay ng pangalan ng TV host-actor sa teaser ng movie.
Ang dating child actress na si Rhed Bustamante na dating Kapamilya star at ngayo’y teenager na ang gumaganap bilang si Pepsi.
Kasama rin sa pelikula ang award-winning actresses na sina Gina Alajar bilang Charito Solis, Shamaine Buencamino bilang ina ni Pepsi, at Rosanna Roces bilang Divina Valencia.
Sa nasabing presscon, natanong kay Mon ang tungkol sa kuwento ng pelikulang idinirek ni Darryl pero ayaw niyang ibahagi dahil sa kontrobersiyang hinaharap nito.
Pero inalam daw siyempre ng award-winning actor kung ano ang tinatalakay ng kuwento.
Sabi ni Mon, “As an actor, dapat alam naman natin ang istorya ng ating gagawin. Very professional naman kami.
“Si Direk Gina Alajar naman siguro ay hindi magsu-shooting kung hindi niya alam ang takbo ng kuwento, same as ibang actors — si Ms. Shamaine, si Rosanna, at iba pang cast.
“Siyempre, as professional, alam namin yung istorya. Pero kung paano ipo-promote ni Direk, hindi namin alam yun.”
Kung naging maingat sa paggawa ng movie si Yap tungkol sa dating sexy star na si Pepsi, wala bang masasagasaang personalidad sa paglalarawan ng yumaong sexy star, gaya nina Tito Sotto, Vic, at Joey de Leon?
“Hindi ko pa muna sasagutin, kasi maano, e, ma-preempt o maaano,” paiwas na sagot ni Mon.
Dagdag pa ng aktor, “Gusto ko lang mag-ingat. Gusto ko lang maging safe, kasi talagang napakahirap ng sitwasyon ng pelikulang ito.
“Baka hindi dapat sa akin manggaling ang information.”
Naibigay naman daw niya ang serbisyo niya bilang aktor para sa pelikulang ito.
Kung ano ang plano ni Direk Darryl, hindi na raw niya alam. Ador Saluta