MANILA, Philippines – SWAK sa selda ang isang lalaking kabilang sa Most Wanted Person na may kasong sexual offenses sa isinagawang manhunt operation ng Northern Police District (NPD) napaulat sa Valenzuela City.
Batay sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan, ang pagkakaaresto sa 20 anyos na akusado ay nag ugat mula sa impormasyong natanggap nila hinggil sa pinagtataguan nito.
Dahil dito, alas-4:40 ng hapon nang isagawa ang manhunt operation sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora, hepe ng DDEU , kaya’t naaresto ang akusado sa Northville 1, Barangay Bignay.
Batay sa bisa ng warrants of arrest na inisyu ni Presiding Judge Mateo B. Altarejos ng RTC Branch 172, Valenzuela City, noong December 12, 2024, para sa kasong Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code (RPC) in relation to Section 5(B) of R.A. No. 7610, at Sexual Assault under Article 266-A(2) of the RPC in relation to Section 5(B) of R.A. No. 7610, inaresto ang akusado.
Pinuri naman ni Col. Ligan ang dedikasyong pagsisikap ng mga opisyal ng DDEU na sangkot sa operasyon kung saan binigyang-diin niya na ang pagtutulungan at propesyonalismo ay nananatiling pundasyon ng misyon ng NPD na maghatid ng hustisya at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa CAMANAVA area.
Kasalukyang nasa custodial facility unit ng NPD-DDEU ang akusado habang hinihintay ang commitment order mula sa korte bago ilipat sa City Jail. (Merly Duero)