TABUK CITY, Kalinga – Narekober ng mga operatiba ng Tabuk City Police Station ang tinatayang nagkakahalaga ng P3.6 million na marijuana bricks at tubular mula sa bagahe ng isang motorsiklo na di umano’y sangkot sa isang aksidente sa pagitan ng isang itim na Honda Civic sa Sitio Nasgueban, Appas, Tabuk City, Kalinga.
Sa ipinarating ulat kay PCol. Gilbert Appa Fati-Ig, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office o KPPO, binabaybay ng kulay itim na Honda Civic ang daan patungo sa Barangay Bulanao habang ang pulang Honda TMX ay nasa kabilang linya na mabilis itong nagmamaneho at maaksidenteng mahagip ang kaliwang likurang panel ng pinto ng sasakyan bago ito tumilapon at sumadsad ng humigit-kumulang 10 metro.
Dahil sa aksidente, ipinaalam ng may ari ng Honda civic sa pulisya ang nangyaring aksidente ngunit ang tsuper ng motorsiklo ay naglakad palayo sa lugar partikular patungo sa Dagupan Centro upang maiwasan ang interogasyon ng pulisya at iniwan na lamang ang backpack at karton na kargada ng marijuana.
Samantala, nang magsagawa ng inspeksyon sa abandonadong motorsiklo na may kargang isang backpack at isang karton, nakita ng mga pulis mula sa punit-punit na pakete ang isang kahina-hinalang bagay hanggang sa makumpirmang ito ay naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Nakuha sa motorsiklo ang 25 bricks at 3 tubular ng marijuana dried leaves at stalks na tumitimbang ng mahigit 30 kilos.
Pinuri naman ni Provincial Director PCol. Gilbert Appa Fati-Ig ang mabilis na pagtugon ng mga kasapi ng Tabuk City at ang inisyatibong ipaalam ng drayber ng Honda civic ang nangyaring insidente. Rey Velasco