MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang isang lolo makaraang barilin ang isa pang motorista at pasahero nito sa road rage incident sa Tanay, Rizal noong Linggo.
Ayon sa ulat, nakitang inagaw ng matandang drayber ang lane ng pickup vehicle.
Dahil dito ay tinamaan ng side mirror ng suspek ang gilid ng pickup at bigla itong huminto, dahilan para magkasagian ang dalawa.
Dito na kinonpronta ng suspek ang drayber ng pickup vehicle na may sakay na apat na pasahero.
Pumunta ito sa likod ng sasakyan para kunin ang baril nito saka pinaputukan nang paulit-ulit ang biktima.
“Yung driver ang nasa critical condition. Pinagbabaril niya, multiple shots, and then umikot siya sa kabilang side at binaril din yung kasama sa kabilang upuan, sa paa tinamaan,” ayon kay Rizal Provincial Police Office provincial director Police Colonel Feloteo Gonzalgo.
Samantala, nakalabas na sa ospital ang isang pasahero na tinamaan ng bala ng baril, habang nagpapagaling pa ang drayber ng pickup vehicle.
Hinabol naman ng pulisya ang suspek hanggat sa makorner ito sa checkpoint sa Morong.
Nakuha ng mga awtoridad ang isang 40-caliber pistol, mga bala at dalawang matalas na gamit sa loob ng sasakyan ng suspek.
“May blinker pa sa loob ng sasakyan, para bang talagang ginagamit na niya sa kanyang pagtakas, for example, para mabilis siyang makaalis,” ani Gonzalgo.
Ang suspek ay naka-detain na ngayon sa Tanay Municipal Station na tumangging magbigay ng komento.
“Umamin siya na siya yung bumaril dahil sa sobrang galit,” ani Gonzalgo.
Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder, reckless imprudence resulting in serious physical injuries and damage to properties, at illegal possession of firearms and ammunition. RNT/JGC