Home METRO Motorsiklo na kinarnap sa Manila, nasabat ng Valenzuela police

Motorsiklo na kinarnap sa Manila, nasabat ng Valenzuela police

MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang water delivery boy matapos masabat ng pulisya sa Oplan Sita habang sakay ng isang karnap na motorsiklo sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni PSSg Julius Congson kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., habang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang mga tauhan ng Polo Police Sub-Station 5 sa pangunguna ni P/Cpt. Robin Santos sa kahabaan ng M.H. del Pilar corner M. Hernandez Street, Brgy. Mabolo nang parahin nila ang isang pulang Honda Click motorcycle na minamaneho ng isang lalaki dakong alas-2:50 ng hapon.

Sa isinagawang beripikasyon ng pulisya, napag-alaman na ang nasabing motorsiklo ay kinarnap habang nakaparada sa Nepa Street corner Buendia Street, Tondo, Manila, dakong alas-2:55 ng Huwebes ng madaling araw.

Kaagad nakipag-ugnayan si P/Cpt. Santos sa Raxabago-Tondo Police Station (PS-1) at nang dumating sina PCpl Edgardo Magno Jr at Pat Cris Anocop ay positibo nilang kinilala ang nagmamaneho ng nasabing motorsiklo na si alyas ‘John Rey’, 20 ng Gagalangin Tondo, Manila na siyang tumangay sa subject motocycle na naging dahilan upang arestuhin siya ng mga pulis.

Matapos ang proper documentation, ang suspek at ang nasabing motorsiklo ay tinurn-over na kina PCpl Magno at Pat Anocop para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay ‘John Rey’. Rene Manahan

Previous articleSaab, may patama sa surot sa airport, kinaaliwan!
Next articleOperasyon ng PNR ihihinto simula Marso 28 sa NSCR construction