MANILA, Philippines – Isinailalim na sa state of calamity ang Mountain Province matapos salantain ng anim na bagyong tumama sa probinsya mula noong Oktubre 24, 2024.
Ang deklarasyon ay kasunod ng pag-endorso ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ng Provincial Board Resolution 2024-521.
Magbibigay-daan ang deklarasyon ng state of calamity sa provincial government na gamitin ang calamity fund para sa recovery ng probinsya na tinamaan ng mga bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel, at Pepito.
Nitong Lunes, sinabi ng Mountain Province Electric Cooperative (MOPRECO) na 90% ng franchise area nito ang walang kuryente dahil sa Bagyong Pepito.
May ilang mga kalsada rin ang napinsala dahilan para maging limitado ang galaw ng mga tao, produkto at serbisyo.
Sa ulat ng PDRRMC, 209 pamilya o 647 indibidwal ang lumikas dahil sa bagyo.
Nasa 198 pamilya ang pansamantalang tumutuloy sa mga evacuation center o sa mga kamag-anak.
Mayroon naming 51 tirahan ang nasira ng bagyong Ofel, habang isa ang totally damaged. 42 tirahan naman ang napinsala ng Bagyong Pepito. RNT/JGC