Home NATIONWIDE Walang nasawi sa Bagyong Pepito – OCD

Walang nasawi sa Bagyong Pepito – OCD

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Office of the Civil Defense (OCD) nitong Lunes, Nobyembre 18 na wala pang naitatalang nasawi dahil sa Super Typhoon Pepito.

Ito ay kasunod ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isa ang nasawi mula sa Camarines Sur dahil sa bagyo.

Sa press briefing, sinabi ni OCD Assistant Secretary for Operations Cesar Idio na ang 72-anyos na lalaki na tinutukoy ni Marcos, ay nasawi dahil sa vehicular accident dulot ng nakalaylay na mga kable sa Bagabas Road.

“Sa ngayon, wala pong na-receive ang operations center ng NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) na casualty-related sa typhoon, only injured. But ‘yung na-report na casualty ay hindi po typhoon-related,” ani Idio.

Samantala, sa 8 a.m. report, sinabi ng NDRRMC na 685,071 indibidwal ang lumikas sa kanilang mga tahanan sa pangamba ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa Bagyong Pepito, at mga Bagyong Nika at Ofel. RNT/JGC