Home NATIONWIDE MPD nagpakalat ng mga parak sa 104 public schools sa Maynila

MPD nagpakalat ng mga parak sa 104 public schools sa Maynila

2
0

MANILA, Philippines — Nagtalaga ang Manila Police District (MPD) ng tigalawang pulis sa bawat isa sa 104 pampublikong paaralan sa Maynila simula ngayong Hulyo 1 upang palakasin ang seguridad sa pagbubukas ng klase.

Ipinatupad ito kasunod ng direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso kay MPD Director P/Brig. General Arnold Santiago matapos ang kanilang directorial meeting noong Lunes.

Ayon kay Moreno, layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at maiwasan ang mga insidente ng karahasan sa loob at paligid ng mga paaralan.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ng alkalde na inatasan niya ang MPD na magtalaga ng mga pulis bunsod ng mga naitalang insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante sa iba’t ibang lugar.

Kasabay nito, ipatutupad din ang Executive Order No. 29, na naglalaman ng mga alituntunin laban sa karahasan, pagdadala ng armas at pambu-bully sa mga paaralan. Ang mga lalabag ay maaaring sumailalim sa expulsion proceedings.

“This is extra rules within the power of city government,” diin ni Moreno.

Binigyang-diin ng alkalde na hindi naaapektuhan ng EO 29 ang mga patakaran ng Department of Education dahil isa itong city ordinance na may legal na batayan.

Nagbabala rin siya sa mga estudyante na umiwas sa gulo dahil maaari silang mapatalsik sa kanilang paaralan at posibleng hindi na matanggap sa iba pang pampublikong paaralan at mga institusyong pinatatakbo ng Manila LGU, kabilang ang UDM at PLM.

Nanawagan din si Moreno sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak upang mapanatili ang disiplina.

Ipinaliwanag ng alkalde na dadaan sa tamang proseso ang pagpapatupad ng EO 29. Magsasagawa muna ng imbestigasyon ang mga pulis bago i-turn over ang kaso sa Manila Department of Social Welfare, na siyang magrerekomenda sa pamunuan ng paaralan kung nararapat ang expulsion ng estudyanteng sangkot.

Inaasahang ganap na maipatutupad ang Executive Order No. 29 sa loob ng dalawang linggo matapos itong maaprubahan ng Konseho ng Maynila. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here