MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng pamunuan ng Manila Police Disttict (MPD) sa mga tauhan nito na palakasin at paigitngin pa ang kampanya kontra ilegal na sugal.
Sa memo na inilabas ng Deputy District Director for Operations ng Mpd na si Police Col. Emil Tumibay, dapat pagtuunan din ng lahat ng police station ang bigtime gambling operations tulad ng ilegal na peryahan, tupada, saklaan at jueteng.
Binigyang-diin ni Tumbigay na hindi lamang dapat sa maliit na operasyon ng ilegal na sugal tumutok ang mga pulis.
Kaugnay nito, mahigpit na ipatutupad ang implementasyon ng “One Strike and No Take Policy” sa mga tauhan ng MPD.
Ayon kay Tumibay, maaaring matanggal sa pwesto ang mga pulis lalo na ang PCP at Station Commander kung hindi nila magagawa nang maayos ang kanilang trabaho, lalo na kapag napatunayang kasawat o protektor sila ng mga bigtime na pasugalan at kung may matibay na ebidensya laban sa kanila. Jocelyn Tabangcura-Domenden