Natanggap na ng Democratic Republic of Congo ang unang batch ng mpox vaccines noong Huwebes kung saan umaasa ang mga awtoridad sa Kalusugan na mapipigilan nito ang outbreak na sanhi ng pagdedeklara ng UN ng global public health emergency.
Naging sentro ng pagsiklab ng naturang sakit ang DR Congo na kumalat sa mga kalapit na bansa at sa ibang lugar, ngunit ang kakulangan ng mga bakuna sa Africa ay humadlang sa mga pagsisikap na pigilan ang pagkalat ng minsang nakamamatay na sakit.
Ayon sa Reuters, gawa ng Bavarian Nordic at donasyon ng European Union ang mga dosis ng bakuna na dumating sa Kinshasa.
Ang bagong dating na bakuna ay napatunayan na ang halaga nito sa Estados Unidos at sisimulan sa mga nasa hustong gulang sa DR Congo , ayon sa DR Congo health minister na si Samuel Roger Kamba.
Ang unang delivery na ito ay umaabot sa 99,000 na dosis at ang karagdagang delivery sa Sabado ay aabot sa kabuuang 200,000 na dosis, sabi ni Laurent Muschel, ang pinuno ng EU Health Emergency Preparedness and Response Authority (HERA).
Sa pangkalahatan, ang Europe ay naglalayong maghatid ng 566,000 na dosis sa kung saan man ang mga pangangailangan ay pinakamalaki sa rehiyon, sinabi ni Muschel.
Ayon sa DR Congo, ilulunsad ang kanilang vaccination campaign sa Oct.8 upang bigyan ng panahon ang isang masusing kampanya sa pagpapataas ng kamalayan upang mapaglabanan ang kawalan ng tiwala sa ilang komunidad.
Ang mpox ay naisasalin sa pamamagitan ng close contact kabilang ang sexual contact.Ito ay
karaniwang nagdudulot ng mga sintomas na tulad ng trangkaso at mga sugat na puno ng nana, at maaaring ikamatay.
Mayroong 19,710 pinaghihinalaang kaso ng mpox na iniulat sa DR Congo sa unang walong buwan ng taong ito, ayon sa health ministry. Sa mga ito, 5,041 ang nakumpirma at 655 ang nasawi. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)