SA isang privilege speech, muling inulit ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang kanyang panawagan sa pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) sa pagpapatigil ng polisiya nitong “single period of confinement” na tinawag niyang “unfair and illogical” sa gitna ng direktiba rito na i-remit sa National Treasury ang halagang Php 89.9 billion.
Ang single period confinement policy ay nagsasaad na ang admissions o re-admissions sa iisang karamdaman o parehas na proseso sa loob ng 90 araw ay minsan lamang babayaran ng health insurance corporation.
Iginiit ni Senator Go na ang responsibilidad ng PHILHEALTH ay magkaloob ng benepisyong pangkalusugan sa lahat ng Filipino na epektibo at episyente, hindi ang maglagay ng limitasyon.
Paliwanag pa ng senador, may medical situations na hindi man gustuhin ng pasyente ay muling nauulit katulad ng mga buntis na inaabot ng pagdurugo dahil sa kaselanan ng kondisyon, ang pagkakaroon ng diarrhea o pneumonia.
Pagbibigay-riin ng Senador, karapatan ng mga Filipino ang mabigyan ng medikal na atensyon sa lahat ng oras na pangangailangan nito, lalo na’t mayroon namang pondo, na hindi lamang ginagamit.
Ang panawagan ni Senator Go ay sinuportahan ng mga kapwa Senador na sina JV Ejercito, Robin Padilla, at Koko Pimentel.
Ayon kay Senator Ejercito, ang kasalukuyang polisiya ng PHILHEALTH ay kontra sa layunin ng Universal Health Care for All Filipinos o ang Republic Act No. 11223.
Ikinalungkot ng Senador na habang mayroong pondo na puwedeng gamitin, may mga namamatay na pasyenteng walang pambayad sa ospital o may mga nagnanais na tanggalin na lamang ang oxygen dahil sa kawalan ng panggastos para rito.
Nangyayari umano ito sa gitna ng pagyayabang ng PHILHEALTH na mayroon itong Php 500 billion reserve funds habang kulang na kulang ang serbisyo sa mga mamamayan.
Para kay Senator Pimentel, “common sense” ang dapat na paganahin ng health insurance corporation kaysa sa mga hindi rasonableng limitasyon.
Magpapatuloy umano si Senator Go na manawagan sa PHILHEALTH para sa komprehensibong pag-aaral at pagkakaroon ng reporma sa mga polisiya nito.