HUWEBES ng umaga, pabugso-bugso ang ulan sa Kamaynilaan at mga katabing lalawigan nito dulot daw ito ng habagat dahil nakalabas na ang bagyong Enteng na nanalasa noon pang Lunes sa ilang mga lalawigan tulad ng Rizal, Batangas at Quezon.
Hindi naman masyadong malakas ang ulan at hangin subalit madilim ang kalangitan. Natawa lang ako nang bigla na lang sabihin ng isa sa aking mga tauhan sa aking negosyo na “asan na ba ang sinasabing pangontra sa baha?”
Ang itinatanong ng aking empleyado ay ang napakinggan niyang ipinagyabang ni Pangulong Bongbong Marcos noong kanyang State of the Nation Address na 5.5K anti-flood projects na ang pondo ay P598 bilyon.
Sabi pa nitong tao ko, “akala ko ba, hindi na magbabaha? Eh umihi lang ang sampung pusa, puro baha na ang kalsada ng Metro Manila”.
Natuwa lang ang inyong Pakurot nang sabihin niya na maswerte silang nagtatrabaho sa akin dahil stay-in na sila, buwanan pa ang kanilang sahod.
Napaisip tuloy ang inyong lingkod na paano nga naman ang mga manggagawa o empleyado na arawan ang sahod o per piraso ang kita? Hindi ba dahil sa baha ay kokonti ang mga sasakyang bumibiyahe at hindi naman makalabas ng bahay ang iba?
Bukod pa rito ay marami ang mga nagkakasakit. May report nga ang Department of Health na marami na ang nasa mga pagamutan dahil nagkasakit o kinapitan ng leptospirosis.
Kaya nga dapat na ring ayusin ng pamahalaan ang ipinagyayabang na anti-flood project ng pamahalaan na ginastusan ng napakalaking halaga pero hindi naman gumagana. Ano na nga ba ang nangyari sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa proyektong ito?
Baka naman may mga politikong nabatid na may kinalaman sa pangangatkong ng pondo na dapat sana ay sa pagsasaayos ng mga daang tubig upang hindi na maging problema ang pagbaha? Wala bang magbubunyag kung sino-sino ang mga komisyoner sa mga proyekto ng gobyerno?
Hahayaan na lang na mapahiya ang Pangulo? O hayaan na lang na nangangapa ang mga manggagawang kumikita ng arawan na kapag malakas ang ulan at may baha ay hindi na makapasok sa trabaho kung kaya walang kita para pangkain ng kanyang pamilya?