Home ENTERTAINMENT MTRCB, may paalala sa mga public transport operator!

MTRCB, may paalala sa mga public transport operator!

225
0

Manila, Philippines – Bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong holiday season, pinaalalahanan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga operator at drayber ng pampublikong transportasyon na G (General Patronage) at PG (Parental Guidance) lamang ang pinahihintulutan sa loob ng mga pampublikong transportasyon habang nasa biyahe.

Saklaw ng paalalang ito ang mga bus at iba pang pampublikong biyahe.

Binigyang-diin ng MTRCB na ang kautusan ay alinsunod sa Presidential Decree No. 1986 at sa 2004 Revised MTRCB Implementing Rules and Regulations, na nag-aatas sa mga operator at drayber na tiyaking ang mga materyal ay angkop sa lahat ng manonood, laluna sa mga bata.

“Ito ay bahagi ng aming mas malawak na responsibilidad na matiyak na ang bawat pasahero, laluna ang mga batang Pilipinong nagko-commute, ay makararanas ng isang ligtas at angkop na palabas habang nasa biyahe,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto.

Ayon sa Board, tuwing holiday season ay dumarami ang mga pamilyang bumibiyahe at mga batang pasahero, kaya’t mahalagang mahigpit na sundin ng mga operator ang mga alituntunin sa klasipikasyon ng mga palabas.

Hinimok ng MTRCB ang mga operator at drayber na maging responsable sa pagpili ng mga content para makaiwas sa parusa alinsunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon.

Hinihikayat din ang publiko na tumulong sa pagtataguyod ng responsableng panonood sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang paglabag sa opisyal na social media channels ng MTRCB (@MTRCBGov) o sa email na [email protected]. JP Ignacio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here