MANILA, Philippines – Viral ang isang lalaki sa Iloilo na isang content creator na minumukbang ang isang hollow blocks.
Sa isang serye ng programang AHA!, sinabi ng content creator na si Jekerie Bendanillo, na nalalasahan niya ang semento kapag kumakain ng hollow blocks.
“Parang nag-uubo ako kasi ‘pag inuya ako, ‘yung sebo ng semento, mararamdaman ko ‘yung lasa,” sabi ni Bendanillo. “Ang hirap kumain ng hollow blocks kasi hindi naman kinakain ‘yan ng tao.”
Ayon kay Bendanillo, ginagawa lang niyang kumain ng hollow blocks dahil sa request ng follower sa social media.
Pinapahiran pa ni Bendanillo ng margarine ang nasabing hollow blocks para hindi niya malasahan ang bato.
Ginagawa umano ni Bendanillo ang pagkain ng hollow blocks upang masuportahan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya, dahil kulang ang sinasahod niya bilang isang karpintero.
Ngunit nang maging content creator, dalawang buwan siyang kumita ng P8,000 pataas.
May payo naman si Dr. Gerald Belandres ukol sa masamang maidudulot ng pagkain ng hollow blocks.
“Siyempre, once kasi na nginuya niya ito, matigas ‘yung bagay. Magkakaroon talaga ng problema doon sa kaniyang gilagid, doon sa kaniyang ngipin, puwede din ito mabali,” ayon kay Belandres.
“At once kasi nagkaroon ng accident at naubo siya, puwede niya ito ma-ingest, lalo na pumasok doon sa kaniyang lalamunan at puwede kasi itong pumunta du’n sa kaniyang digestive tract. Or siyempre nakatakot diyan, puwede pumunta siya mismo doon sa kaniyang respiratory tract na puwede niya itong ikamatay,” dagdag ni Belandres. RNT