MANILA, Philippines – Babala ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada nitong Huwebes Hulyo 17, na ang mga employer na hindi makakasunod sa PHP50 daily minimum wage hike sa Metro Manila simula Hulyo 18 ay mahaharap sa PHP25,000 na multa at pagkakakulong ng hanggang dalawang taon.
Ayon kay Estrada, muli niyang inihain ang kanyang panukalang batas na nag-aamyenda sa Republic Act 6727 o ang Wage Rationalization Act para palakasin ang pagpapatupad ng mga batas ukol sa sahod.
“The Constitution mandates a living wage. Yet we struggle even to enforce the minimum wage in many areas. This bill seeks to close that gap. By increasing penalties and improving enforcement, we send a strong message: wage theft will not be tolerated,” saad ni Estrada.
Ang panukala ay naglalayong magpataw ng mas mahigpit na parusa sa mga lalabag, kabilang ang multa na hindi bababa sa PHP100,000, moral damages na hanggang PHP30,000 bawat apektadong manggagawa, at posibleng pagkakakulong ng dalawa hanggang apat na taon.
Ang panukalang batas ay nagmumungkahi din ng isang awtomatikong garnishment sa mga lumabag kung ang mga multa ay hindi nababayaran. Para sa mga korporasyon, ang mga opisyal tulad ng president, chief executive officer, o managing director ay personal na mananagot.
Ang kautusan, na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-National Capital Region noong Hunyo 24, ay itinaas ang pang-araw-araw na minimum na sahod sa rehiyon sa PHP695 para sa mga non-agriculture workers at PHP658 para sa mga nasa sektor ng agrikultura, gayundin sa maliliit na retail at manufacturing establishments.
“Taon-taon naman halos ay may ipinatutupad ang ating mga RTWPB na pagtaas sa arawang sahod ng ating mga manggagawa. Pero hindi sapat na ianunsyo lang ang dagdag-sahod. Dapat may ngipin ang ating batas para matiyak na susundin ito ng lahat ng employer — malaki man o maliit ang kumpanya” ani Estrada. RNT/MND