MANILA, Philippines- Arestado ang isang 50-anyos na lalaki ng mga miyermbro ng Antipolo City Police matapos madiskubreng siya ang most wanted na indibidwal sa Calabarzon region matapos subukang kumuha ng police clearance nitong Miyerkules.
Kinilala ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) ang suspek na si “Ben,” residente ng Barangay San Roque, Antipolo City.
Batay sa police report, nag-aapply si Ben para sa National Police Clearance nang makita sa database na mayroon siyang warrant na walang kaukulang piyansa para sa krimeng murder na inisyu ng Regional Trial Court sa Malolos City, Bulacan noong Nobyembre 9, 2021.
Natuklasan sa masusing imbestigasyon ng kapulisan na nagtago si Ben sa Antipolo matapos paslangin ang kanyang kinakasama sa Bulacan noong 2021.
Agad na ipinagbigay-alam ng officer na namamahala sa police clearance lane ng istasyon sa warrant team na isilbi ang arrest warrant kay Ben. Kasalukuyan siyang nakaditene sa Antipolo Custodial Facility. RNT/SA