MANILA, Philippines- Ikinatakot ng mga taga-Caloocan City nitong Huwebes ng gabi ang social media reports hinggil sa isang “serial killer” na sangkot umano sa mga pananaksak, na kalaunan ay napag-alamang peke.
“I am aware of the news spreading on social media about the alleged serial killings or the wandering of a serial killer here in Caloocan,” giit ni Caloocan City Mayor Along Malapitan sa isang Facebook post nitong Huwebes. “This is fake news.”
Subalit, iniulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang insidente ng pananaksak sa lungsod na ito.
Pinagsasaksak ang isang 22-anyos na babaeng kinilalang si Marian Angeline Manaois sa harap ng isang restaurant sa kahabaan ng Loreto Street, Barangay 85, sa Barangay Bagong Barrio nitong Miyerkules, ayon kay NCRPO chief Police Major General Jose Melencio Nartatez.
Sinaksak ng suspek, kinilalang si Reyand Pude, 22 taong gulang din, si Manaois “multiple times without any apparent provocation,” base kay Nartatez.
Iniugnay ang kalunos-lunos na insidente sa motibo ng selos, dahil ang suspek at biktima ay dating live-in partners, pahayag ni Nartatez.
Kalaunan ay idineklarang patay si Manaois sa MCU Hospital, ayon sa police chief.
Sinabi pa ni Nartatez na nagsagawa ang Caloocan City Police Station ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Pude bandang alas-2 ng madaling araw nitong Biyernes sa Tanza, Cavite.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Caloocan City Police Station ang suspek. RNT/SA