MANILA, Philippines- Mariing binatikos ni Senador Nancy Binay ang National Economic Development Authority (NEDA) sa pagtataya ng P64 food poverty threshold sa bansa dahil hindi umano makatotohanan ang numero.
Ayon sa senador, dapat muling pag-aralan ng NEDA kasama ang Philippine Statistics Administration ang halaga ng pagkain sa merkado dahil hindi sapat o hindi makatotohanan ang P64 kada indibidwal na makahulagpos sa tumataas na halaga ng bilihin.
Hindi tumutugma ang P64 threshold sa tunay na halaga ng pagkain sa kasalukuyang panahon, ayon kay Binay.
“Kaya rin naman natin, in fact ilang budget na rin natin na-raise ang punto na to, na baka dapat taasan na ng NEDA yang threshold nila dahil hindi nga makatotohanan itong 64 pesos,” giit niya sa isang panayam.
Binanggit din ng senador na poor nutrition ang dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng nagkakasakit sa bato sanhi ng mura at hindi masustansyang pagkaiin.
“Maganda ding tingnan di ba napakalaki ng problema natin sa kidney problems –ang dami nating kababayan nagda-dialysis ngayon– so baka ang dahilan dun ay hindi masustansiyang pagkain ng ating mga kababayan,” pahayag niya.
Tinukoy din ni Binay ang ipinagmamalaking Nutribun ng administrasyon na nagkakahalaga ng P40 na sinasabing punong-puno ng sustansya.
“So di pa rin maa-afford ng mga kababayan natin yang Nutribun na yan, na supposed to be kumbaga ang requirement nila na nutrients ay nandun na sa Nutribun na yun,” ayon kay Binay.
Umaasa si Binay na muling pag-aaralan ng NEDA at PSA ang problema.
Naktutok ngayon ang Senado sa pambansang badyet sa 2025 na dapat tugunan ang food poverty. Ernie Reyes