MANILA, Philippines- Kulungan ang binagsakan ng isang 42-anyos na lalaki makaraang matimbog sa ikinasang operasyon, sa Barangay Gomez, Santa Rosa, Nueva Ecija nitong Lunes, November 4, 2024.
Kinilala ni P/Col. Ferdinand D. Germino, Provincial Director, Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), ang suspek na si Michael Moga y Reguyal, binata, residente ng nasabing barangay.
Ayon sa pulisya, ganap na ala-1:50 ng hapon nang matunton ang sinasabing suspek, sa nabatid na lugar ng pinagsanib na elemento ng Intel/Warrant ng Santa Rosa municipal police station, 303rd Memorandum Circular, Regional Mobile Force Battalion 3 at Provincial Intelligence Unit/PPDEU NEPPO.
Hindi naman nagawang manlaban ng suspek makaraang maisilbi rito ang bitbit na arrest warrant sa paglabag umano sa Section 28 ng Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013), pinetsahan noong October 12, 2023 sa Third Judicial Region, Branch 25 Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Dagdag pa rito ay napag-alaman rin na ang suspek ay nakatala sa nabatid na himpilan ng pulisya bilang most wanted na Number 2 sa Municipal Level at Rank Number 8 sa Provincial Level. Itinakda ang piyansa sa halagang P200,000.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng naturang pulisya. Elsa Navallo