MANILA, Philippines – Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na hindi magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig hanggang sa katapusan ng 2025 kahit pa pumasok na ang tag-init.
Ayon kay MWSS Acting Deputy Administrator Patrick James Dizon, karaniwang tumataas ng 10% hanggang 15% ang demand sa tubig mula Marso hanggang Mayo dahil sa matinding init. Gayunpaman, naabot na ng mga dam ang target na lebel ng tubig sa pagtatapos ng 2024 dulot ng pag-ulan mula sa shearline at amihan, kaya hindi inaasahan ang kakulangan sa tubig hanggang 2025.
Sa kasalukuyan, nasa 212.88 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam — ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila — na lampas sa normal na high water level na 212 metro.
Kinumpirma rin ni Dizon na walang pagtaas sa singil sa tubig ngayong tag-init ngunit pinaalalahanan ang publiko na magtipid ng tubig sa buong taon. Santi Celario