MANILA, Philippines – HIGIT P5.5 milyon halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark makaraang madiskubre itong itinago sa mga ipinadalang laruan na nagmula sa bansang Amerika.
Ayon sa BOC, nakatanggap ng impormasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may iligal na kargamento ang darating sa bansa mula Los Angeles, California kaya’t agad isinailalim sa masusing pagsusuri ang mga kargamento kabilang na ang may 10 piraso ng mga laruan, isang surprise egg toy at siyam na kinetic sand toys.
Sa ginawang pagsusuri ay tumambad sa mga awtoridad ang mga vacuum-sealed na pouch na naglalaman ng puting crystalline substance, na pinaghihinalaang ilegal na narcotics.
Nasa 816 gramo ng white crystalline substance ang itinurn-over sa PDEA para sa chemical analysis kung saan nakumpirma na ang mga ito Methamphetamine Hydrochloride na itinuturing na dangerous drug sa ilalim ng R.A. No. 9165.
Iisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention ang nasabing kargamento dahil sa paglabag sa Section 118(g), Section 119(d), at Section 1113 paragraphs (f), (i), at (l) ng R.A. No. 10863, o mas kilala na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na may kaugnayan sa R.A. No. 9165. JAY Reyes