Home NATIONWIDE Maatandang nabuwal sa init ng kampanya, tinulungan nina Bong Go, Wil

Maatandang nabuwal sa init ng kampanya, tinulungan nina Bong Go, Wil

MANILA, Philippines – Isang motorcade ang muling isinagawa nina Senator Christopher “Bong” Go, senatorial aspirant Willie Revillame at ng Galing sa Puso (GP) Partylist sa Pasay City noong Huwebes.

“Unang-una, maraming salamat po sa mga kababayan natin dito sa Pasay sa sobrang init ng pagtanggap n’yo sa amin ni Kuya Will Revillame,” sabi ni Senator Go sa panayam.

Sa gitna ng kampanya, sinamantala ni Senator Go ang pagkakataon na paalalahanan ang publiko na manatiling hydrated habang tumataas ang temperatura.

Ikinagalak niya ang panukala ng Department of Education (DepEd) na i-adjust ang oras ng pasok upang maprotektahan ang mga mag-aaral mula sa matinding init.

“Sobrang init ng panahon, sobrang init ng inyong pagtanggap ngunit paalala ko po sa ating mga kababayan, ang taas ng heat index ngayon, ingat tayo, uminom ng tubig kung maaari,” aniya.

Sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month ng bansa ngayong Marso, pinaalalahanan din ni Senator Go ang publiko tungkol sa mas mataas na peligro ng sunog dahil sa matinding init.

Habang nasa motorcade sa lungsod, napansin nina Senator Go, Revillame, at kanilang grupo ang isang komosyon nang isang 91-anyos na babae, si Maxima Dayrit, ang naipit at nabuwal sa gitna ng siksikan na mga tao.

Nang makita ang sitwasyon, agad silang huminto upang tulungan ang ginang at tiniyak na mabibigyan siya ng agarang medikal na atensyon.

“Hindi ho namin pinabayaan si Lola. Hinatid namin sa ospital. Pangalawang beses na po ito. Talagang hindi maiwasan,” ani Go matapos nilang personal na samahan ang matandang babae sa Pasay City General Hospital at sinigurong masailalim sa CT scan ang ginang.

“Hinatid po namin, at nakakatuwa po ligtas na siya at alam n’yo, maraming mga pasyente doon kanina sa Pasay General Hospital na natulungan po ng Malasakit Center. Maraming nagpapasalamat na mga pasyente,” anang senador.

Habang binabantayan si Dayrit, nilapitan ni Senator Go ang isa pang pasyente na si Pacita Navarrete, na nagpahayag ng kanyang lubos na pasasalamat sa nauna niyang natanggap na tulong medikal sa pamamagitan ng programang Malasakit Center.

Personal na pinasalamatan ni Navarrete si Senador Go sa pagsisikap ng senador na ma-institutionalize ang Malasakit Centers.

Ang Malasakit Centers ay one-stop shop na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pasyente na bawasan ang kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamaliit na posibleng halaga.

Si Senator Go ang principal author at sponsor ng RA 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.

Sa kasalukuyan, 167 Malasakit Centers ang operational sa buong bansa kabilang ang nasa Pasay General Hospital, na tumutulong sa mga pasyente sa mga gastusin sa pagpapagamot. Iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagbigay na ng tulong ang Malasakit Center program sa mahigit 17 milyong Pilipino. RNT