Home METRO Smart Hospital muna bago Smart City Hall- Ate Sarah

Smart Hospital muna bago Smart City Hall- Ate Sarah

“DAPAT ay mauna ang karapatan ng mga Pasigueño sa pondo para sa healthcare services bago ibuhos ang pera ng taumbayan sa bago at magarbong P9.6 bilyong Pasig City Hall project.”

Pahayag ito ni mayoralty aspirant Sarah Discaya, na mas kilala bilang ‘Ate Sarah’ sa mga Pasigueño, matapos niyang tugunan ang mga hiling na ayudang medikal mula sa maralitang komunidad ng lungsod.

Sa priority programs ng Team Sarah ay nangunguna ang pagpapatayo ng ‘smart hospitals’ na may sapat na mga kagamitan at gamot bago ang pagpapagawa ng umano’y magarbong ‘Smart Pasig City hall.’

Nauna nang pinuna ng iba’t ibang sektor sa nasabing lungsod ang umano’y pagpursige ni Mayor Vico na maunang maipatayo ang kontrobersyal na city hall sa halagang halos sampung bilyong piso habang kapos naman umano ang pondo para sa ibang social services ‘tulad ng healthcare at ayudang pang-edukasyon para sa mga batang Pasigueño.

Ayon kay Discaya ay maraming suliranin ang lungsod ng Pasig na kailangang mas pagtuunan ng pansin ng gobyerno lokal lalo na sa usaping pangkalusugan at sustainable livelihood.

“Maraming pangangailangan ang mga Pasigueño, gaya ng gamot, kagamitan sa ospital, at medical professional at healthcare personnel…  ang mga ito ang dapat maging prayoridad,” sabi ni Discaya.

Noong 2024, bumagsak ang Pasig LGU mula sa ika-6 na pwesto noong 2019 tungo sa ika-9 na ranggo sa Rankings of Highly Urbanized Cities sa ilalim ng Cities and Municipalities Competitive Index ng Department of Trade and Industry.

Isang malaking salik sa pagbagsak ng ranggo ng lungsod ay ang kategoryang government efficiency, na sumasaklaw sa mahahalagang serbisyo ng gobyerno tulad ng kalusugan, kapayapaan at kaayusan, serbisyo sa edukasyon, at social protection.

Matatandaang may ilang senior citizens din ang nagpahayag ng pagkadismaya sa umano’y kakulangan ng mga benepisyong natatanggap nila mula sa kasalukuyang administrasyon sa ilalim ni Mayor Sotto, partikular na sa larangan ng healthcare at medical services, na dapat sana’y tumutugon sa kanilang pangangailangang pangkalusugan.

Sa nasabing reklamo ay sinasabing kinuripot umano ng pamahalaang lungsod ang badyet para sa social services city upang paglaanan ang pambayad sa construction ng bagong City Hall.

“Dapat na mauna ang karapatan ng mga Pasigueño sa pondo para sa healthcare services bago ang magarbong P9.62 bilyong Pasig City hall,” diin ni Discaya.

Ang kabuuan ng kanyang mga plano sa pagtakbo nitong darating na May 2025 election ay ang isulong na maging ‘smart city’ ang lungsod ng Pasig, na mayroong mga ‘smart facilities,’ ‘smart schools,’ at ‘smart hospitals.’ RNT