MANILA, Philippines – Bahagyang lumakas ang Tropical Depression Paolo nitong Miyerkules kaya’t itinaas ng PAGASA ang Signal No. 1 sa hilagang bahagi ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga).
Ayon sa 5 p.m. bulletin, huling namataan si Paolo 665 km silangan ng Virac, Catanduanes, taglay ang lakas ng hanging 55 km/h at bugso na hanggang 70 km/h, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Tinatayang Signal No. 3 ang pinakamataas na babala sa pagdaan ng bagyo, ngunit posibleng umabot sa Signal No. 4 kung lalakas ito bilang bagyo bago mag-landfall. Inaasahan ding magiging severe tropical storm si Paolo pagsapit ng Biyernes ng umaga at posibleng muling lumakas paglagpas sa Luzon.
Nagbabala rin ang PAGASA ng posibleng storm surge na aabot sa 2 metro sa mga baybaying mababa at lantad sa Cagayan, Isabela, at Aurora sa loob ng 48 oras. Maari ring maglabas ng gale warning sa Northern at Central Luzon simula Huwebes ng hapon.
Inaasahang tatama si Paolo sa kalupaan ng Isabela o hilagang Aurora sa Biyernes ng umaga o hapon at lalabas ng Philippine Area of Responsibility pagsapit ng Sabado. RNT